Umarangkada sa ika-apat na quarter ang Aces at di pinagbigyang maka-bangon ang Panthers na di nakasama si Johnny Abarrientos sa ikaapat na quarter bunga ng injury, sa huling bahagi ng labanan para iposte ang ikalimang panalo sa 12 -laro.
Kailangan na lamang ipanalo ng Aces na nakakasiguro na ng play-off para sa huling quarter-finals berth ang huling laro kontra sa Shell Velocity sa November 14 para makasama sa eight-team quarterfinals.
Lumabo na ang tsansa ng Panthers na makasama sa top-four teams na mabibiyayaan ng bentaheng twice-to-beat sa quarterfinal phase.
Ang 60-59 kalamangan ng Aces papasok ng final canto ay lumobo sa 19-puntos matapos na pangunahan ni Rodney Santos ang isang mainit na 19-1 run para sa 79-60 kalamangan mula sa three-pointer ni Kenneth Duremdes.
Sa tulong ni import Rossel Ellis, nagsagawa ng rally ang Pop Cola sa pamamagitan ng 12-2 run upang makalapit sa 72-79 bago tumuntong ang huling dalawang minuto ng labanan.
Umiskor si Duremdes ng basket upang tuluyan nang patahimikin ang kampo ng Pop Cola.
Bagamat may pag-asa pa sa twice-to-beat ang Panthers na nangangailangang ipanalo ang huling laban kontra sa Talk N text sa Linggo, wala na sa kanilang mga kamay ang kanilang magiging kapalaran dahil magkakatalo na lamang sa quotient.
Habang sinusulat ang artikulong ito, kasalukuyang naglalaban ang Sta. Lucia Realty at Shell .