Para sa Realtors at Phone Pals, kalakip ang twice-to-beat advantage sa quarterfinal round ng PBA season-ending Governors Cup ang kalakip ng kanilang ikawalong panalo habang ticket sa susunod na round ang pabuya sa ikaanim na panalo ng Beermen.
Makakasagupa ng Sta. Lucia ang nagbabangong Alaska Aces sa pambungad na laban sa ganap na alas-5:05 ng hapon sa PhilSports Arena sa Pasig City na susundan ng pagtutunggali ng SMBeer at Talk N Text sa main-game, alas-7:10 ng gabi.
Nakapuwesto na sa top 1-2 positions ang Phone Pals at Realtors bunga ng magkawangis na 7-2 panalo-talo. Ang top four teams sa pagtatapos ng eliminations ay may biyayang twice-to-beat
advantage.
Katabla naman ng Beermen sa 5-4 record ang walang larong Shell Velocity at Batang Red Bull habang ang Alaska ay naka-angkla sa ikawalong puwesto, ang huling slot na uusad sa quarter-finals, taglay ang 3-6 record.
Parehong ikaapat na sunod na panalo ang puntirya ng Talk N Text at San Miguel sa kanilang asignatura ngayon, habang ang Aces at Sta. Lucia naman ay kapwa naglalayong kakabawi sa kanilang nakaraang pagkatalo.
Sa unang pagkikita ng Realtors at Aces noong September 30, namayagpag ang Sta. Lucia sa 103-98 panalo. Iginupo naman ng Talk N Text ang Beermen sa 88-83 panalo sa kanilang unang pagkikita noong September 26.
Ang pagkatalong ito ay nais ibaon sa limot ng Beermen sa kanilang hangaring maokupahan ang ikatlong quarterfinals slot para samahan sa susunod na round ang Realtors at Phone Pals.
Dahil nananatiling walang serbisyong maasahan mula kay Danny Seigle, sina import Lamonth Strothers at Danny Ildefonso ang pangu-nahing sandata ng San Miguel, ngunit may karagdagang armas ito sa katauhan nina Olsen Racela, Nic Belasco, Freddie Abuda at iba pa.
Ipinagmamalaki naman ng Talk N Text ang kanilang eksplosibong import na si Brandon Williams na susuportahan naman nina Paul Asi Taulava, Gerry Codiñera, Victor Pablo, Gherome Ejercito at iba pa.
Masaklap na pagkatalo ang natikman ng Realtors mula sa mga kamay ng Red Bull Thunder noong nakaraang linggo sa isang overtime game sa Cuneta Astrodome ang magiging dahilan kung kakakaibang import si Damien Owens, Marlou Aquino, Dennis Espino at iba pa ang matutunghayan ngayon.
Dahil sa nakaraang pagkatalo sa San Miguel, naputol ang three-game winning streak ng Alaska sa kanilang pagbangon at itoy muling sisimulan nina import Ron Riley, Kenneth Duremdes,Rodney Santos, John Arigo, Jon Ordonio at iba pa. (Ulat ni Carmela Ochoa)