Ang inaasahang makakapagsalba sa Turbo Chargers na si import Askia Jones ay nabigong sagipin ang Shell kagabi nang makawala sa kanyang kamay ang bola mula sa inbound pass ni Mike Hrabak.
Humilig pa si Jones sa kanyang bantay na si import Billy Thomas ng Tanduay para makakuha ng foul ngunit bigo ito na siyang nagkaloob sa Rhummasters ng kanilang ikatlong panalo sa 10-laro na kapantay na ngayon ng record ng Purefoods TJ Hotdogs.
Matapos hawakan ang 78-77 pangunguna sa huling 1:18 oras ng labanan, hindi na naka-iskor ang Turbo Chargers sa kanilang sumunod na tatlong posesyon bunga ng errors habang naka-lay-up naman si Thomas at may dalawang free throws si Cariaso na siyang naging final score.
Pagkatapos agawin ng Tanduay ang score sa 79-78 bunga ng basket ni Thomas, mabilis na nabawi ngTanduay ang posesyon sanhi ng turnover bunga ng offensive foul ni Dale Singson kaya hindi binilang ang kanyang basket.
Bagamat na-rebound ni Chris Johnson ang nagmintis na triple attempt ni Hrabak na agad nitong ipinasa kay Jones, tumama sa paa ng import ang bola kaya nakawala ito na mabilis namang isinalba ni Dindo Pumaren sa sideline at agad na ibinigay kay Jeffrey cariaso.
Nakahugot naman ito ng foul kay Jackson na siyang nagdala kay Cariaso sa free throw line, 4.0 segundo ang nalalabing oras sa laro na nagbigay ng pagkakataon sa Turbo Chargers na hatakin ang laro sa overtime.
Ngunit nasayang lamang ang huling posesyon ng Shell sanhi ng error ni Jones, na naging dahilan ng ikaapat na pagkatalo ng Shell sa 9-laro.
Kailangang ipanalo ng Tanduay ang kanilang huling tatlong laro upang makausad sa eight-team quarterfinals kung saan nabigong makapsok ang Shell bunga ng kanilang pagkatalo.
Pinunan nina Bong Hawkins at Dondon Hontiveros ang mahinang produksiyon ni Thomas sa first half upang umabante ng 11 puntos ang Shell at hawakan ang 44-36 kalamangan sa halftime.
Naglaho ang limang puntos na kalamangan ng Rhummasters sa kaa-gahan ng labanan nang kunin ng Shell ang 22-10 pangunguna ngunit sa tulong ni Hawkins na humakot ng 10-puntos sa naturang yugto ay natapos ang unang canto na tabla ang score sa 22-all.
Habang sinusulat ang artikulong ito, kasalukuyang naglalaban ang Batang Red Bull at Barangay Ginebra bilang main game kagabi.