Pinangunahan ni welterweight Larry Semillano ang kampanya ng Navy nang agad itong umiskor ng magaang na panalo kontra Johnson Cea ng Baguio City sa isang minuto at 55 segundo ng unang round.
Ngunit mabigat na hamon ang kakaharapin ni Semillano sa finals kung saan pinigil ng Olympian Romeo Brin ng defending champion Army ang kalabang si Rey Canales ng PNP sa 1:40 minuto ng second round na naghatid sa kanya sa finals.
Ang iba pang lahok ng Navy na nakausad sa finals ay sina bantamweight Ferdie Gamo, featherweight Ruel Laguna, lightweight Benjie Garcia, light welterweight Salvador Tizon at light middleweight Junie Tizon.
Nauna rito, noong Huwebes, apat na Navymensina pinweight Juanito Magliquian, middleweight Reynaldo Galido,light heavyweight Mario Tizon at heavyweight Rolando Escobar ang nakauna na sa finals bunga ng kanilang impresibong panalo.
Ang iba pang Armymen na nakasama ni Brin sa championshop ng isang linggong three-in-one championship ay sina light flyweights Harry Tanamor at Ernanie Desaville, bantamweight Glen Salazar at featherweight Lino Tagacay. Noon ring Huwebes namayani sina flyweight Violito Payla at light heavyweight Maraon Goles sa kani-kanilang semifinals bout.
Anim rin na fighters ang dinala ng Air Force sa pangunguna ng beteranong internationalist Joel Barriga at David Gopong sa finals.
Ang iba pang Airmen na nakarating sa finals ay sina light welterweight Charlie Balena, flyweight Decembrix Ambray, middleweight Ignacio Gerodias at heavyweight Ricardo Aguilar.
Ang natatanging civilian na nakarating sa final ay si pinweight Edmon Doronilla ng South Cotabato.