Kung ang tutumbukin ngayon ng SMBeer ay ang play-off para sa huling quarterfinal berth, ang tuluy-tuloy na pag-ahon mula sa ilalim ng standings naman ang pakay ng Aces.
Tampok na laro ang labanan ng Alaska at San Miguel na matutung-hayan sa dakong alas-7:10 ng gabi pagkatapos ng pampaganang sagupaan ng Purefoods TJ Hotdogs at Pop Cola Panthers sa ganap na alas-5:05 ng hapon.
Mula sa sunud-sunod na pagkatalo, nakabangon ang mga San Mi-guel at Alaska.
Matapos ang apat na sunod na talo, nakapaglista na ng dalawang dikit na tagumpay ang Beermen na nag-angat ng kanilang record sa 4-4.
Matapos mabokya sa unang limang laro, ang Aces umaarangkada ngayon sa kanilang three-game winning streak sanhi ng kanilang 3-5 record na nag-ahon sa kanila mula sa pangungulelat.
"At least now we have a shot sa top four," pahayag ni SMBeer coach Jong Uichico. "Sana maituluy-tuloy namin ito."
"Were slowly climbing our way up to the standings but we know that we awfully, awfully have a long way to go," sabi naan ni coach Tim Cone ng Alaska. "Well just try to be patient and take it one game at a time, climb our way back up and hopefully were gonna win the race."
Malaking bagay si import Ron Riley sa pamamayagpag ng Alaska na wala nang habol sa twice-to-beat advantage na mapapakinabangan ng top four team sa pagtatapos ng eliminations kayat ang habol na lamang nila ay ang makasama sa 8-teams quarterfinalists.
"Ron (Riley) has an act of making big shots for us," ani Cone sa kanilang import na pumalit kay Dexter Boney na humalili naman sa nagretirong resident import ng Alaska na si Sean Chambers.
Habang sinusulat ang artikulong ito, kasalukuyang naglalaban ang Barangay Ginebra at Shell Velocity sa kanilang out-of-town game sa Balanga, Bataan.