Ito ang senaryo ngayon sa dalawang larong nakatakda sa pagpapatuloy ng elimination round ng PBA season ending Governors Cup na gaganapin ngayon sa PhilSports Arena sa Pasig.
Sa apat na koponang maglalaro ngayon, tanging ang Alaska lamang ang galing sa panalo, sa katunayan, dalawang sunod na panalo na ang kanilang naitala, habang ang Purefoods, Pop Cola at Ginebra ay galing naman sa kabiguan dalawang dikit na pagkatalo.
Ang pamamayagpag na ito ng Aces ang kanilang magiging puhunan sa kanilang pakikipagharap sa Purefoods TJ Hotdogs sa pambungad na laban na sisimulan sa ganap na alas-5:05 ng hapon na susundan naman ng sagupaan ng Panthers at Gin Kings sa main game dakong alas-7:10 ng gabi.
Ikalawang beses na ito na pagkikita ng TJ Hotdogs at Aces sa kum-perensiyang ito. Ang una ay noong opening day, September 8 kung saan nalasap ng Alaska ang 89-97 pagkatalo.
Sa naturang laro ay kasama pa ng Aces ang kanilang niretirong resident import na si Sean Chambers at sa sumunod na dalawang laro ay di pa rin nakatikim ng tagumpay ang Alaska.
Sa pagnanasang makabangon, kinuha ng Alaska ang serbisyo ni Dexter Boney ngunit hindi nito naiahon ang Aces na nabaon sa 0-4. Pinalitan si Boney, dati nang naging import sa PBA dahil sa medication problem.
Nagkaroon ng liwanag ang kampanya ng Aces sa kumperensiyang ito nang mapadpad sa kanilang kampo si Ron Riley na may malaking parte sa dalawang sunod na panalo ng Alaska bunga ng kanilang 2-5 record.
Huling nanalo ang Aces sa Batang Red Bull, 86-81 noong Oktubre 10 sumunod sa kanilang 96-92 pamamayani kontra sa Tanduay Gold Rhum sa Cebu City noong Oct. 6 kung saan isinalang si Eric Menk.
Ang Pop Cola ay kasalukuyang may 4-4 record tulad ng walang larong defending champion San Miguel Beer sa likod ng league leader at quarterfinalist nang Sta. Lucia Realty, 7-1, Talk N Text (6-2) at Shell Velocity (4-3).