Bilang main game, magku-krus ang landas ng SMBeer at Rhum-masters sa ikalawang laro dakong alas-6:10 ng gabi pagkatapos ng engkuwentrong Shell Velocity at Batang Red Bull sa opening game na sisimulan eksaktong alas-4:05 ng hapon.
Matapos ang apat na sunod na kabiguan, nakatikim din sa wakas ang Beermen ng panalo matapos makabawi sa Pop Cola Panthers sa pamamagitan ng manipis na 86-84 panalo noong Biyernes.
Dahil dito, natunton ng San Miguel ang tamang daan tungo sa pagdedepensa ng kanilang iniingatang titulo matapos iangat ang kanilang record sa 3-5.
Kahit na muling ipinahinga si Eric Menk, nagawang magtagumpay ng Rhummasters at hindi lamang simpleng panalo kundi isang impresibong 114-86 pamamayani kontra sa Purefoods TJ Hotdogs noong nakaraang Miyerkules.
Naiangat ng Tanduay ang kanilang record sa 2-5 katabla ang Alaska Aces na bumuhay ng kanilang pag-asang makarating sa susunod na round ng torneong ito.
Habang sinusulat ang artikulong ito ay kasalukuyang naglalaban ang TJ Hotdogs at ang league leader na Sta. Lucia Realty sa isang out-of-town game ng ikatlong kumperensiyang ito sa Bago City.
Ang Realtors gayundin ang Talk N Text Phone Pals pa lamang ang may sigurado nang puwesto sa eight-team quarterfinals kung saan ang top four teams ay may bentaheng twice-to-beat.
Layunin naman ng Turbo Chargers, kasalukuyang nasa ikatlong puwesto taglay ang 4-2 kartada, na makasiguro ng playoff sa huling quarterfinals berth at mangailangan na lamang ng isang panalo upang tuluyang umangat sa susunod na round.
Inaasahang nasa kondisyon na ngayon si Menk matapos maipahinga ang kanyang calf injury kayat isang malaking balakid ito para sa Beermen lalo pat di pa rin makakapaglaro si Danny Seigle na patuloy pa ring iniinda ang kanyang back spasms.
Dahil dito, ibayong paglalaro ang inaasahan mula kina import Lamont Strothers, Danny Ildefonso, Olsen Racela, Nic Belasco, Dwight Lago at iba pa na tatapatan naman nina import Billy Thomas, Menk, Dondon Hontiveros, Jeffrey Cariaso at iba pa.