May balitang posibleng magbalik aksiyon din ang kontrobersiyal na player na si Earl Williams Alvarado o mas kilalang Sonny Alvarado.
Mahigit isang taon nang wala sa sirkulasyon si Alvarado makaraang ipa-deport ng immigration bureau.
Namataang nagwo-work-out si Alvarado kasama ang isang therapist sa treatment center sa Green Meadows subdivision at maugong ang balitang malapit na rin itong makakuha ng kanyang certificate of confirmation mula sa Department of Justice.
Napatalsik ng bansa si Alvarado dahil sa pandaraya ng public documents partikular na sa kanyang birth certificate at ito ay isa nang malaking kaso laban sa kanya kahit pa siya ay totoong may dugong Pinoy o wala.
Ayon sa isang impormante, marami nang nakuhang dokumento si Alvarado na magpapatunay ng kanyang dugong Pinoy at ito ay makakatulong sa kanya para makabalik sa Philippine Basketball Association sa taong ito o kung hindi ay sa susunod na season.
Ang lahat ng koponan sa PBA ay maaaring magpalit ng line-up para sa mga local players, bago matapos ang eliminations. Sa kaso ng mga imports, maaaring magpalit ang mga teams kahit sa huling laro ng Finals.
May mga nagsasabing naririto si Alvarado dahil posible itong maglarong import para sa kanyang dating koponang Tanduay Gold Rhum na kasalukuyang makulimlim ang kampanya sa elimination ng season-ending Governors Cup.
Ito ay kung makakapasa ito sa hight limit na 6-foot-4 na si Alvarado na nakalistang 66.
Si Alvarado ay galing sa University of Texas na kabilang sa Division 1 NCAA. Naging top pick ito sa draft pick noong 1999 at nakuha ng Tanduay.
Sa naturang season, may 22.9 points na average si Alvarado at natalo kay Danny Seigle ng San Miguel sa labanan ng Rookie of the Year pero nakasama sa Mythical Five.