PBA Governors' Cup: Talk N Text silat sa Panthers

Hindi nagtagumpay ang pag-aalsa ng Talk N Text Phone Pals at tiniyak naman ni Johnny Abarrientos na mapapasakamay ng Pop Cola ang 80-74 tagumpay sa pamamagitan ng kanyang kabayanihan sa huling maiinit na segundo ng labanan sa PBA season-ending Governors Cup sa Araneta Coliseum kagabi.

Umiskor ng dalawang free throws si Abarrientos at gumawa ng mahalagang steal na nagbigay daan sa panigurong fast-break ni Estong Ballesteros na siyang nagkaloob sa Panthers ng kanilang ikaapat na sunod na panalo matapos mabigo sa kanilang unang dalawang laro sa ikatlong kumperensiyang ito.

Nauna nang umabante ang Pop Cola sa siyam na puntos na kalamangan, 69-60 matapos ang basket ni Nelson Asaytono ngunit pumanig naman ang ihip ng hangin sa Phone Pals pagkatapos nito.

Pinagtulungan nina Brandon Williams at Paul Asi Taulava ang 9-1 paghahabol tampok ang three-point play ni Norman Gonzales upang makalapit sa 73-76 patungong huling 46 segundo ng labanan.

Nakahugot ng foul si Abarrientos mula kay Gilbert Demape na kapwa nito naikunekta ang dalawang free throws para sa 78-73 kalamangan, 35 segundo ang oras sa laro. Kasunod nito, nagmintis si Williams sa kanyang attempt na maaaring nakapagsalba sa Talk N Text at nang pasugod na si Taulava na makuha ang loose ball ay alistong inagaw ni Abarrientos ang bola.

Agad namang ipinasa ito ni Abarrientos kay Ballesteros na siyang umiskor ng insurance basket ng Panthers na naging dahilan ng ikalawang sunod na talo ng Phone Pals matapos ang apat na diretsong panalo.

Naging see-saw battle ang unang bahagi ng labanan na natapos sa 40-pagtatabla sa pagsapit ng halftime.

Show comments