Noong Biyernes ng gabi, isang gold lamang ang nadakma ng Pilipinas at ito ay mula kay judoka John Baylon para sa kabuuang 23 golds habang nakalalamang na ang Vietnam na may 25 golds.
Tanging ang silver medals lamang ang nagningning kung saan sa kabuuan ay may 51 na ang Pinas at 54 bronze medals.
Sa kasalukuyan, habang sinusulat ang balitang ito, maaaring makadagdag ang gold mula sa billiards kung saan inaasahan ang All-Filipino finals sa 15-Ball rotation.
Maaaring makadisgrasya din ng gold si dating jump queen Elma Muros-Posadas dahil nangunguna ito sa heptathlon event makaraang bumandera ito sa apat na events noong Biyernes at nakatakdang lumaban sa tatlong event habang sinusulat ang balitang ito.
"Gagawin ko na ang lahat. Mahihirapan ako sa 800m run kung saan mas sanay akong tumakbo sa maikling distansiya la-mang," ani Posadas habang ito ay nagwa-warm-up kahapon.
Posible ring makapagbigay ang Philippine Judo team ng gold na may nakatakdang laban kung saan 3 judokas-- sina Aristotle Lucero, Melvin Magata at Almarie Mala-san ang magtatangkang makasungkit ng ginto.
Sa araw na ito, silver medals lamang ang tanging nakopo ng bansa at ito ay mula kina bowler Liza del Rosario sa womens Masters, cyclist Eusebio Quinones sa 36 km. Cross country at Baby Marites Bibit sa kababaihan sa 24 km Cross country ng Mountain Bike event.
Maaaring magbigay ng sorpresa ang Filipino cyclists na sina Victor Espiritu, Enrique Domingo, Arnel Querimit, Warren Davadilla, Merculo Ramos at Villamor Baluyot na makikipagkarera sa road race event ng cycling events. (Ulat ni Dina Marie Villena)