Pinoy boxer may pag-asa sa gold

KUALA LUMPUR - Biniyayaan ng magandang kapalaran ang Pinoy pug na si Ramil Zambales upang pagtakpan ang kabiguang tinamo ng dalawa pang boksingerong Pinoy sa semifinal bout ng boxing competition ng 21st Southeast Asian Games dito.

Hindi pinagpawisan si Zambales makaraang manalo ito sa pamamagitan ng walkover kontra kay Tanovahn Nilonedone ng Laos upang umusad sa finals at isiguro ang silver medal sa featherweight division.

Ngunit nakakalungkot naman ang kabiguan nina Violito Payla at Romero na kapwa lumasap ng pagkatalo sa kamay ng Thailander.

Yumuko si Payla kay Somjit Jongjohor 7-3 sa flyweight class upang makuntento sa bronze habang natalo naman si Brin kay Pongsak Hrian-thuangthong sa lightwelter division at isukbit ang bronze medal.

Bunga ng kabiguang ito, dalawang boksingero na lamang ang natitirang may pag-asa sa gold at ito ay sina Arlan Lerio na namayani kay Aung Tun Lin ng Myanmar at Zambales.

Gayunpaman nahaharap sa matinding pagsubok ang dalawa sa kanilang pag-asinta sa gold dahil kapwa Thailander din ang kanilang makakasagupa sa finals na gaganapin bukas.

Makakaharap ni Lerio si Chotipat Wongprates habang si Zambales naman ay makikipagpalitan ng suntok kay Sutthisak Samaksaman. (Ulat ni Dina Marie Villena)

Show comments