Matapos pangunahan ni Marlou Aquino ang buwenamanong tagumpay ng Realtors, kumana naman si Dennis Espino upang ihatid ang Realtors sa kanilang ikalawang sunod na panalo at hiyain ang Commissioners Cup champion na Red Bull Thunder.
Tumapos si Espino ng 22-puntos kabilang ang kanyang jumpshot sa right corner para sa pinakamalaking kalamangan ng Sta. Lucia na 22-puntos, 80-58, 8:47 ang oras sa laro.
Si Espino rin ang nanguna sa 7-0 break-away sa ikatlong quarter na naglayo sa Realtors mula sa 58-53 pagkaka-dikit ng score at ibandera ang 65-53 kalamangan, 4:11 na lamang ang natitira sa third canto.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Sta. Lucia matapos ang kanilang 84-78 pamamayani kontra sa Swift sa kanilang debut game sa season-ending conference na ito.
"The locals stepped up again for us tonight," ani coach Norman Black. "We played with a sense of purpose tonight, trying to build on that good game we had against Swift."
Tanging nagawa ng Red Bull ay makalapit lamang sa 82-68, 6:35 ang oras sa laro ngunit naibalik naman ng Sta. Lucia ang kanilang 22-puntos na kalamangan.