Ang karerang ito na suportado ng Adidas, isang sports conscious provincial government at local force ng Philippine National Police, ay ang pinakamalaking karera sa Bacolod.
Ganap na alas-6:00 sisimulan ang karera na magmumula at matatapos sa Bacolod City Plaza sa San Juan St. sa harap ng Bacolod Tourism office kung saan si Bacolod City Mayor Luzviminda Valdez ang magpapaputok ng baril bilang hudyat ng simula ng karera at makakasama nito sa awarding ceremonies sina Gov. Joseph Maranon at dating PSC commissioner at ngayon ay Congressman na si Monico Puentevella.
Inihayag ni Efren Timtiman, ang Milo local run organizer sa Bacolod na upang mabighani ang mga mananakbo sa Lungsod ng Bacolod, ang karera ay dadaan sa Bacolod City Plaza patungong Capitol Lagoon, sa Bacolod City Hall, Bacolod Cathedral at Robinsons Plaza Mall.
Inaasahang maglalaban-laban sa top honors sa Linggo sina Wilfredo Escala ng Cadiz City, Julius Sermona ng Binalbagan at Welmer Onasa ng Manapala habang sa mga kababaihan, pinapaborang manalo sina Penaranda Esmedia ng Silay City, isa sa kinatawan ng bansa sa Avon Global Championship sa Budapest, Hungary noong Oktubre na bibigyan naman ng mahigpit na hamon nina Rhodora Egueron ng Binal-bagan at Virgie Jaro ng La Carlota.
Patuloy namang dumadagsa ang mga entries sa Panaad stadium mula sa mga schools na kasali sa side events na paramihan ng finishers, cheering competition at mayroon ding team competition kung saan ang mga mananalo ay matutukoy sa pamamagitan ng pinakamabilis na aggregate times ng top-25 finishers ng mga schools.
Ilan sa mga paaralang inaasahang mangunguna sa mga side events ay ang University of Negros Occidental Recoletos, University of Saint La Salle at Negros Occidental High School.