Nais ng Cardinals na maduplika ang kanilang 80-71 panalo kontra sa San Beda College sa alas-2:30 ng hapong pagtitipan na siyang magkakaloob sa Intramuros-based dribblers na makakalas sa solong ikalawang puwesto.
Sa kasalukuyan, kapwa nag-iingat ang Cardinals at pahingang San Sebastian College ng 5-3 panalo-talo karta, habang nananatiling nakabaon naman sa ilalim ng standing ang Bedans na may 1-7 record.
Siguradong gagawa ng alternatibong paraan ang Red Lions upang di na matikman pa ang ikalawang pagkatalo sa mga kamay ng Cardinals upang manatiling buhay ang kanilang tsansa na makasama pa sa susunod na round.
Gayunman, di natitinag ang Cardinals at kung ano ang kanilang inilabas sa una nilang paghaharap ng Bedans, mas doble pa rito ang kanilang gagawing eksplosibong opensa upang manatiling matatag ang kanilang kapit sa Final Four.
"Sabi ko nga sa kanila, hindi pa tapos ang laban. Mas matindi ang laban sa second round and all those in the lower bracket will try to win games as possible," ani coach Horacio Lim ng Mapua.
Bago ito, haharapin muna ng Blazers ang University of Perpetual Help-Rizal sa unang laro sa alas-11:30 ng tanghali.
Gagawing puhunan ng Blazers ang kanilang 72-69 panalo kontra sa Stags noong Agosto 16 upang mapalakas ang kanilang kampanya.
Ngunit tiyak na pahihirapan sila ng Altas na kasalukuyang nagtataglay ng 4-5 panalo-talo karta dahil mahigpit ang kanilang pangangailangan na maipanalo ang laro upang hindi maitsapuwera sa Final Four.
At sa juniors division, pag-aagawan ng defending champion Mapua Red Robins at San Beda Red Cubs ang solong pangunguna sa alas-1 ng hapon, bago maghaharap naman ang Greenhills Blazers at ang UPHR Altalettes sa alas-9 ng umaga. (Ulat ni Maribeth Repizo)