Sisiguraduhin ng Green Archers sa kanilang nakatakdang pang-alas 2:30 ng hapong sultada ng UE Warriors na di na mauulit ang kani-lang naging masamang karanasan sa mga kamay ng Recto-based dribblers sa una nilang paghaharap sa first round.
Nalasap ng Taft-based cagers ang kanilang kaisa-isang pagkatalo sa UE Warriors, 79-58 noong Hulyo 21 na dahilan upang makasosyo nila sa pamumuno ang pahingang Ateneo de Manila University na kapwa nag-iingat ng 7-1 panalo-talo karta.
"Ibang labanan na pag second round. Mas mahirap nang manalo," ani UE Warriors mentor Boysie Zamar na sariwa pa sa kanilang 66-60 tagumpay kontra sa UP Maroons noong nakaraang Linggo na naglagay sa kanila sa pakikisalo sa ikatlong puwesto sa pahinga ring National University sanhi ng 4-4 slate.
Sa isa pang laro, maghaharap naman ang Maroons at ang Far Eastern University sa alas-5 ng hapon kung saan hangad ng Tamaraws na makabangon mula sa kanilang natamong 63-62 pagkatalo sa Archers noong Linggo.
Tinalo ng Tamaraws ang Maroons, 75-68 noong Hulyo 19 at posible nila itong maduplika na maghahatid sa kanila sa solong ikalawang posisyon.
Ilang oras matapos na maitakas ng DLSU ang kanilang panalo sa FEU, hinarang ng mga supor-ters ng Morayta-based dribblers ang mga referees na sina Raffy Britanico, Jun Arlegui at Garchie Ferrer upang bugbugin.
Nagtamo si Britanico ng hiwa sa mukha nang siya ay suntukin ng hindi nakikilalang supporter ng FEU habang patungo sa kanilang quarters, habang nagbababagsakan naman ang ibat ibang bagay.
Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyan pang nagpupulong ang UAAP officials upang desisyunan kung anong sanctions at penalties ang igagawad sa dalawang grupo.
Samantala, sa nag-iisang laban sa junior division, ikalimang panalo ang target ng DLSU Bengals kontra sa UE Pages sa alas-12:30 ng tanghali. (Ulat ni Maribeth Repizo)