At kahapon, pinatawan si Valenzuela ng P40,000 multa ng PBA matapos ang kanyang paniniko sa import ng San Miguel Beer na si Nate Johnson sa Game Four ng kanilang best-of-seven championship series ng PBA Commissioners Cup noong Linggo kung saan nagwagi ang Beermen, 88-72 upang itabla ang serye sa 2-2.
Ang second-year pro at tubong-Cebu na si Valenzuela ay di binigyan ng suspension kung kayat papasok ang Red Bull Thunder sa Game Five na intact ang kanilang line-up bukas sa Big Dome.
Ngunit binalaan din ni Officer-In-Charge Renauld Barrios si Valenzuela na sigurado ng mabibigyan ng suspension kung muli niyang uulitin ang paniniko.
Sa ilalim ng PBA rules, ang elbow foul ay nangangahulugan ng awtomatikong pagkakatalsik sa laro, pero di ng pagkakasuspinde. Ito ay multa na mula P5,000 hanggang maximum na P40,000 at nakuha ito pareho ni Valenzuela bunga ng kanyang ikatlong flagrant foul sa tournament.
Huling pinagmulta si Valenzuela noong nakaraang Hunyo at noong Agosto 1 nang kanyang tirahin naman ang Purefoods TJ Hotdogs import na si David Wood sa kanilang semifinal game sa Cuneta Astrodome.