Ang panalo ng Katipunan-based dribblers, ikapito sa walong laro ang nagpahigpit ng kanilang kapit sa solong liderato, habang nalasap naman ng Bulldogs ang kanilang ikaapat na talo matapos ang apat na panalo sa 8-laro.
Kumana si Sison ng game-high 24 puntos, 13 nito ay sa final canto na tinampukan ng tatlong tres, habang nagdagdag naman si Villanueva ng 23 puntos upang isara ng Blue Eagles ang third canto na hawak ang 67-64 bentahe.
At sa pagbubukas ng fourth quarter, isang jumper ni Jeff Napa ang nagbigay sa Bulldogs ng 68-67 kalamangan, ngunit ito na ang kanilang huling pagbabanta nang sumagot si Villanueva ng back-to-back basket upang pamunuan ang 11-5 run ng Ateneo na siyang nagkaloob sa kanila ng 78-73 kalamangan, patungong huling 4:45 minuto ng labanan kung saan di na nakuha pa ng NU na maka-bangon.
Hindi nagawang sustinahan ng Bulldogs ang kanilang mainit na panimula nang kanilang trangkuhan ang first half na taglay ang 46-39 abante kung saan kanilang nalimita ang Ateneo sa field sa 36% lamang matapos na humakot ng 44%, gayundin sa rebounds, 31 kontra sa 20 lamang ng Ateneo matapos na unti-unting kumulapso sa kalagitnaan ng third canto ang Bulldogs.
Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyan pa ring naglalaban ang Far Eastern University at ang defending champion De La Salle University kung saan hangad rin ng Green Archers na makasosyo sa liderato.
Dinuplika ng Eaglets ang tagumpay ng kanilang senior counterpart nang kanilang hiyain ang Bullpups, 92-42. (Ulat ni Maribeth Repizo)