Tangan ang 4-1 win-loss slate, haharapin ng Blue Eagles ang UE Warriors sa alas-5 ng hapon matapos ang sagupaan sa pagitan ng University of Santo Tomas at ng University of the Philippines sa alas-2:30 sa isa pang senior match.
Ang panalo ng Katipunan-based dribblers ang magkakaloob sa kanila ng karapatang saluhan sa pamumuno ang pahingang Far Eastern U at ang defending champion De La Salle U na kapwa nagtataglay naman ng 5-1 kartada.
Paborito sa labang ito ang Eagles na matapos na matalo sa kanilang unang asignatura, nagtala ito ng apat na sunod na panalo na ang huli ay sa UP Maroons, 63-50 kung kayat mataas ang kanilang morale boost na sasalang sa labanan.
Gayunman, di rin nakakatiyak na magiging mataas ang paglipad ng Blue Eagles, siguradong babalian sila ng pakpak ng Warriors dahil sa nais nilang tabunan ang huling 78-67 pagkatalong nalasap sa mga kamay ng Tamaraws noong Linggo.
Kung nais ng Ateneo na magtagumpay sa kanilang laban ngayon, kailangan nilang bawasan ang sobrang pagtatapon ng bola kung saan nagtala sila ng 24.2 turn overs.
Nag-iingat naman ang Warriors ng 3-2 panalo-talo karta at ito ang ibig ng UE na mapaganda kayat siguradong umaatikabong opensa ang kanilang ilalabas para supilin ang binabalak ng Blue Eagles.
Nauna rito, maghaharap naman sa unang junior games ang UST at UP sa alas-10:30 ng umaga, bago susunod ang sagupaan ng UE Pages at Blue Eaglets sa alas-12:30 ng tanghali. (Ulat ni Maribeth Repizo)