Agad na dinala ni team manager Ramoncito Bugia ang DOJ confirmation ni Menk sa tanggapan ng Philippine Basketball Association, ngunit hindi ito makakalaro ngayon para sa Tanduay Gold Rhum na nakatakdang humarap sa Purefoods TJ Hotdogs sa quarterfinal phase ng Commissioners Cup.
Ngunit umapela pa rin ang Tanduay at nakiusap ito na payagan na si Menk na makalaro ngayon, pero hindi rin sila pinayagan ng PBA.
Ayon sa PBA, sa ikatlong kumperensiya na makakapaglaro si Menk dahil nakaraan na ang submission ng pagpapalit ng line-up noon pang huling araw ng eliminations.
Ayon naman kay coach Derek Pumaren, isinumite ng Tanduay ang pangalan ni Menk sa PBA bago sumapit ang deadline ng pagpapalit ng line-up sakaling makakuha si Menk ng DOJ confirmation.
Ngunit ayon sa PBA, hindi nila ito tinanggap dahil nang mga pa-nahong iyon ay hindi pa naki-clear ng DOJ si Menk.
Noon pang July 21 ng nakaraang taong eliminations ng ikalawang kumperensiya huling naglaro si Menk matapos i-require ng PBA ang BID certificates at DOJ confirmation sa mga Fil-Foreign players.
Nauna nang nabigyan ng DOJ confirmation ang napa-deport na si Paul Asi Taulava na nakapaglaro na sa Mobiline Phone Pals, ngunit sa tulong na rin ng PBA ay kinilala ang dugong Pinoy ni Menk. (Ulat ni Carmela Ochoa)