Agad nabaon sa limot ng Ateneo Blue Eagles ang masaklap na 76-91 pagkatalo kontra sa karibal na defending champion De La Salle University noong linggo matapos iposte ang 1-1 panalo-talo.
Dinomina ng Ateneo ang larong ito kung saan umabante ang Eagles ng 12 puntos at hinayaan lamang ang NU Bulldogs na makalapit ng hanggang 4 puntos lamang.
Makaraang buksan ng Ateneo ang labanan sa pamamagitan ng 18-10 kalamangan sa pagsasara ng unang canto sa pagtutulungan nina Ritchie Alvarez at Enrico Villanueva, lumaki ito sa 25-13 sa ikala-wang quarter matapos ang basket ni Luis Tenorio.
Dahil sa panalong ito ng Ateneo, na pinangunahan ng rookie na si Tenorio na may 18 puntos at Villanueva na may 17 puntos, nabinbin ang planong pagsibak kay Ateneo coach Joe Lipa.
Ayon sa isang opisyal ng Ateneo na ayaw magpabanggit ng pangalan, napag-usapan ng Ateneo Board na sakaling natalo ang Eagles ay papalitan si Lipa.
Pagkatapos ng laro, nang lumapit ang mga sportswriters para kapanayamin si Lipa, hinamon nito ng suntukan ang manunulat ng Inquirer na si Dennis Eroa dahil sa kanyang artikulong papalitan na ang coach ng Ateneo. Hindi na rin nito pinaunlakan ang paanyaya ng mga writers para sa post-game interview sa press room.
Sa unang laro, sinimulan naman ng Ateneo Blue Eaglets ang kanilang kampanya para sa Grand Slam nang kanilang durugin ang National U Bullpups, 76-42 sa junior division.