Tinumbok ng 42-anyos na si Reyes, tubong Pampanga, ang kanyang unang panalo nang igupo ang Japanese na si Hishashi Yamamoto sa iskor na 5-4, bago isinunod na biktima na pambato ng Wales na si Rob McKenna nang kanya itong bokyain sa iskor na 5-0
Ang panalong ito ni Reyes, kampeon sa naturang tournament noong 1999 ang naghatid sa kanya para sa pansamantalang pamumuno sa Group 8 na may nalikom na apat na puntos, habang nag-iingat naman ng tigalawang puntos sina Yamamoto, George San Souci at John Horsfall.
Ang tagumpay ni Reyes ay dinuplika rin ni Leonardo Andam na nagtala ng dalawang panalo sa Group 12.
Unang ginapi ni Andam, quarterfinalist noong nakaraang taon dito, ang kalabang si Arnold Van Staden ng Namibia, 5-0, bago nasilat niya si Paul Potier ng Canada sa iskor na 5-3.
Tig-isang panalo naman ang naiposte nina Francisco Bustamante at Ramil Gallego.
Nabigo naman sa kanilang unang sabak sa pinakamayamang tournament na ito na nilahukan ng hindi bababa sa 128 mahuhusay na cue artist sa bansa sina Antonio Lining at Rodolfo Luat.
Tinalo ni Bustamante, semifinalist noong 1999 ang kalabang si Troy Frank ng Amerika, 5-2, at pinayukod naman ni Gallego si Tom Storm ng Sweden, 5-1.
Pinigil ni Mike Immonen ng Finland si Luat, 5-1, bago di rin siya pinalusot ni Alwi ng Indonesia, 5-1.
Nabigo si Lining sa kalabang si Thomas Engert sa iskor na 5-1.
Hindi rin naging maganda ang simula ni Warren Kiamco nang ang kanyang dalawang laban ay pawang bigo.
Nadiskaril ang unang laban ni Kiamco kontra Alex Lely ng Holand, 5-1, bago kinapos sa ikalawang laro kontra naman kay Alain Martel ng Canada sa iskor na 5-4.
Habang sinusulat ang artikulong ito, kasalukuyang naglalaban sa isa pang race-to-5 elimination ang walong Pinoy cue artist na ipinadala rito ng bansa sa pangunguna ni Reyes.
Mag-uuwi ang magkakampeon dito ng $65,000, habang ang runner-up ay $30,000 at pagkakalooban ang losing semnifinalists ng tig-$17,500.