Nakatakda ang paghaharap ng Blades at Gems sa alas-5:30 ng hapon sa De La Salle-Lipa Gym kung saan tangka ng Blades na maisukbit ang kanilang ikaanim na panalo sa walong pakikipaglaban upang mapaganda ang kanilang katayuan.
Sa unang paghaharap, tinalo ng Gems ang Blades, 96-90 sa lupain naman ng Lhuillier kung kayat matindi ang pagnanasa ng Blades na sila naman ang manalo nga-yon.
Ngunit siguradong mahihirapan ang Blades sa kanilang misyon dahil nais rin ng Gems na mapalakas ang kanilang kampanya upang manatiling nakadikit sa lider na Negros na may 8-3 win-loss slate.
Sa kasalukuyan, nag-iingat ang Gems ng 7-3 record katabla ang pahingang San Juan para sa ikalawang puwesto.
Posibleng di pa rin magamit ngayon ni coach Nash Racela ang kanilang Fil-Am na si Stephen Antonio na nagkaroon ng back spasms dahilan upang di makalaro noong Biyernes.
Kayat kailangan nina Rommel Adducul, Eddie Laure, Alex Compton at Tonyboy Espinosa na gumawa ng eksplosibong performance upang tapatan ang frontliner ng Gems sa pangunguna nina Matt Mitchell, Willie Mejia, Homer Se, Jan Montalbo at Melvin Taguines.
Sa unang laro, sisikapin naman ng Negros Slashers na maitala ang kanilang ikasiyam na panalo sa kanilang pakikaglaban kontra sa Nueva Ecija sa alas-3 ng hapon na ang aksiyon ay dadako sa bal-warte ng Slashers sa USLS Gym sa Bacolod City.