Ito ang ipinahayag ng business manager ni Pacquiao na si Rod Naza-rio kahapon na ayon pa sa kanya, hindi bababa sa $100,000 ang premyo kung sakaling magtagumpay ang abogadong si Sydney Hall na mapursige ang promoter na si Murad Muhammad na maggagarantiya na babayaran ng nasabing halaga ang tubong General Santos City na boxer sa kanyang unang title defense.
Sinabi ni Nazario na plano ni Muhammad na ilaban si Pacquiao sa main event. Si Muhammad, siya ring nag-promote sa sixth round knockout na panalo ni Pacquiao kontra Lehlo Ledwaba na nagkaloob sa Pinoy ng IBF crown sa Las Vegas noong nakaraang buwan, ang kauna-unahang nagsaayos ng susunod na laban ni Pacquiao.
Ayon kay Nazario, posibleng ang unang depensa ni Pacquiao ay ganapin sa New Jersey kung saan nandito ang M&M Sports office ni Muhammad.
Sinuman kina Enrique Sanchez o Nestor Garza ang makakalaban ni Pacquiao. Ang dalawang naturang Mexicanong boxers ay pawang mga dating world champions.
Napagwagian ng 29-anyos na si Sanchez ang World Boxing Association (WBA) junior featherweight title sa pamamagitan ng 12-round decision kontra Rafael del Valle noong Pebrero 1998 at natalo sa kanyang unang pagtatanggol ng korona kay Garza nitong huling bahagi ng taong kasalukuyan. Matapos na matalo kay Garza, umiskor si Sanchez ng apat na sunod na knockouts bago nasuong sa seventh round technical draw laban naman kay Carlos Contreras noong nakaraang Pebrero. Hawak din niya ang ring record na 28-1-2 na may 21 KOs.
Kilala sa palayaw na "El Tigre", ang 24-gulang na si Garza ang natatanging fighter na tumalo kay Sanchez. Tinalo rin niya ang mga challengers na sina Carlos Barretto at Kozo Ishii na kapwa sa pamamagitan ng knockout, bago natalo ang WBA crown laban kay Clarence (Bones) Adams sa puntos noong nakaraang taon.
Si Garza ay nag-iingat ng record na 38-2 na may 30KOs. Sinabi ni Pacquiao na kumpiyansa siyang matatalo sinuman kina Sanchez o Garza at hindi na kailangan pang problemahin ni Muhammad kung sino sa dalawang challengers na kanyang pipiliin.