Hindi sinayang ng Pangulo ang pagkakataon sa pagdalaw kahapon ni IBF World bantamweight champion Manny Pacquiao at hinikayat ang boksingero na lumahok sa mga urban poor visit nito.
Ayon kay Pangulong Arroyo, mahalaga ang maibibigay na inspirasyon ni Pacquiao sa mga mahihirap na mamamayan partikular ang mga kabataan upang mahikayat pa sa larangan ng sports tulad ng boksing.
Lubhang ikinatuwa ng Pangulo ang pagsungkit ni Pacquiao ng korona na nag-akyat ng panibagong karangalan sa bansa.
Agad namang pumayag si Pacquiao sa paghikayat ng Pangulo na sumama ito sa mga urban poor visit.
Kasama ni Pacquiao na nagtungo sa Malacañang ang kanyang asawang si Jinky at ilang boxing officials.
Nangako naman ang Pangulo na bibigyan din ng pabuyang salapi si Pacquiao bagamat hindi pa nito ibinubunyag kung magkano.
Samantala, sinabi rin ng Pangulong Arroyo na marapat lamang na i-modernisa ang mga training facilities ng mga boksingero sa bansa upang lalo pang dumami ang makapag-uwi ng karangalan sa bansa.
"Ganado akong mapanood sa buong mundo kaya hindi ako kinabahan sa laban ko," ito ang masayang sinabi ni Pacquiao nang dumating ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Miyerkules ng gabi sakay ng eroplanong Northwest Airlines flight NW-027 galing Los Angeles California USA.
Sinabi ni Pacquiao na napabagsak niya si Lehlo Ledwaba ilang minuto lamang sa ikaanim na round dahil alam na niyang hihilata na ito sa lona sa tindi ng mga binitiwan niyang suntok.
Ayon kay Pacquiao, ganado siya sa laban dahil undercard siya sa laban sa pagitan nina Oscar De La Hoya at Javier Castillejo kaya alam niyang maraming tao ang manonood sa kanilang mga telebisyon sa buong mundo para abangan ang kanilang laban.
Ayon pa kay Pacquiao, dehado siyang umakyat ng ring kasi ang mga nakapaligid dito o mga nanonood ay isinisigaw ang pangalan ni Ledwaba.
Si Pacquaio ay mag-papahinga muna ng ilang linggo bago muling mag-eensayo ng husto para paghandaan ang kanyang susunod na laban.
"Medyo maganda ngayon malaki ang premyo at champion tayo,"