Tinapos ng 22-anyos na si Dableo, fourth year BS Management student sa San Sebastian College ang nine-round Swiss System tournament na ito na walang talo sa anim na panalo at pitong draws para sa kabuuang 7.5 puntos upang pamunuan ang anim na iba pang qualifiers sa Asian Continental na gaganapin sa Agosto 9-20.
"Malaking panalo ito para sa akin dahil nandito na halos ang malalakas na players. Siyempre, excited din ako na I-represent ang Pilipinas sa India," ani Dableo.
Si Garma ang No. 2 qualifier, ngunit nakopo niya ang pinakamataas na spot na pinaglabanan matapos na igupo ang dalawang iba pang may 6.5 puntos na sina NM Rolando Nolte at ang 17-gulang na IM Mark Paragua sa pamamagitan ng superior tiebreak.
Sumablay ang pagsungkit ng No. 2 spot ni Nolte matapos na siya ay mapuwersa ni IM Mark Paragua sa standoff matapos ang 22 sulungan ng Sicilian-Alapin, gayundin ang FIDE Master Fernie Don-guines na nag-blunder sa middlegame.
Gayunman, nakuha ni Paragua ang karapatang katawanin ang bansa sa Asian Junior Championship na gaganapin sa susunod na buwan sa Tehran, Iran kung saan ang kanyang gastos ay sasagutin ng Belgosa Media System.
"Masaya na rin ako dahil malaking karangalan sa akin na makapaglaro sa Asian juniors," wika ni Paragua, ang top seed sa tournament na ito na suportado ng Ortigas and Co., at ng Philword Online.
Bukod kay Dableo, Paragua at Nolte, ang iba pang nakapasa sa grado para sa Asian Continental Championships ay sina Donguines, Vasquez at IM Barlo Nadera.
Nakapasok si Nadera na tumapos ng may anim na puntos matapos ang kanyang 19-moves na panalo kontra IM Ronald Bancod.
Pawang mga seeded na sina Grandmasters Eugene Torre, Joey Antonio at Bong Villamayor sa nalalapit na Asian chess tourney.
Sisimulan na ng tatlong GMs at pitong iba pang players ang kanilang preparasyon at training sa Baguio City sa susunod na buwan.