Hindi bababa sa silver medal ang puwedeng maiuwi ni Rene Villaluz nang makarating sa finals ng three-man flyweight division matapos na makakuha ng suwerte sa draw kung saan magpapakita rin ng aksiyon si lightfly Lhyven Salazar, bantam Ferdie Gamo at welter David Gopongge sa semifinals na nagsiseguro sa kanila ng bronzes.
Ngunit kinagabihan ng Huwebes, nalukuban ng lungkot ang kasiyahan ng Pinoys nang mapatalsik agad ng Greek fIghter na si Petros Hasads si Maximino Tabangcora Jr., sa pamamagitan ng isang solidong kaliwa sa baba, 30 segundo ang nalalabi sa final round ng kanilang middleweight division preliminary bout sa Sporting Hall.
"Hindi ko nakita ng bitawan yung kaliwa. Binabantayan ko yung kanan niya at nang bibitaw ako ng right jab, lumusot yung kaliwa niya," paliwanag ni Tabangcora.
Ang matinding kaliwa ng kalaban ang nagdala sa Filipino na mapaupo sa canvass dahilan upang bigyan si Tabangcora ng referee ng dalawang standing eight counts at itinigil na ang kanilang laban sa pamamagitan ng compulsory count limit (three eight counts in one round).
"Sayang. Lamang na tayo pero nasira ang diskarte ni Tabangcora dahil doon sa dalawang eight counts," pahayag naman ni coach Vicente Arcenal.
Sa kabila ng pagkatalong ito ni Tabangcora, nananatiling mataas ang kumpiyansa ng nalalabing squad ng Philippines na ipinadala rito ng Philippine Sports Commission at Pacific Heights bilang preparasyon sa nalalapit na Malaysian Southeast Asian Games.
"That’s amateur boxing for you. You will not know who the winner is until the final judgement. Truly, you can not have them all and the loss should give our boys valuable lessons. But certainly, we will go all out to improve on our campaign here," ani team manager Ruben Roque.