Hapee pinalungkot ng Giv sa PBL Chairmans Cup

Pinatumba ng Giv Beauty Soap ang Hapee Toothpaste sa iskor na 57-46 kahapon bilang pagpa-palawig sa kanilang tsansa sa quarterfinal round sa 2001 PBL Chairman’s Cup sa Makati Coliseum.

Pinangunahan ng Soap Masters ang unang canto nang iposte nito ang 9 kalamangan, 19-10, at kontrolin ang laro hanggang sa huling canto kontra sa depensa ng Teeth Sparkler.

Nakikisosyo ngayon ang Giv sa ikatlong puwesto sa defending champion Welcoat na kapwa bitbit ang 4-3 record habang dala ng Hapee ang 2-5 record.

Magkatuwang na dinala ni Egay Biliones, 13 puntos at Edwin Bacani, 11 puntos ang panalo sa Giv samantalang bagamat pinakawalan ni Mark Saquilayan ang 13 puntos ay bigo siyang kunin ang pangunguna dito.

Kapwa nagkamit ng 28 turnovers ang dalawang team subalit nagpakita ng mas magandang opensa ang Giv na gumawa ng 25-of-50 attempts sa field kumpara sa Hapee na may 18-of-68 attempts. (Ulat ni C. Fonceca)

Show comments