Hanggang sa kahuli-hulihang sandali, sinikap ni Pacquiao na matagalan ang mahusay na pakikipaglaban ni Sakmuangklang na nagawang makipagsabayan sa pamamagitan ng kanyang mahusay na jabs at straight, ngunit nakakita ang Pinoy champ ng paraan at sinampolan niyang patamaan ng kaliwat kanang kumbinasyon ang bodega ng Thais pug dahilan upang maitakas ang kanyang knockout na panalo sa ika-anim na round, patungong 2:42 oras.
Isang solidong kaliwa ng 22-anyos na si Pacquiao ang tumama sa isang bahagi ng bodega ni Sak-muangklang at bumagsak ito sa canvass dahilan upang bilangan siya ng referee na si McTavish at di na ito nakatayo.
At sa ikalimang pagkakataon matagumpay na naidepensa ni Pacquiao ang kanyang korona na naging daan upang matupad ang kanyang plano na lumaban sa labas ng bansa kung saan puntirya nito na mapasabak sa Amerika para sa world title fight.
"Matibay, lalo na sa mukha. Kaya nung makita kong mahina pala sa bodega, binomba ko na," pahayag ni Pacquiao.
Maaga sanang nakuha ni Pacquiao ang panalo nang bawasan ni McTavish ng tatlong puntos si Sakmuangklang bunga ng tatlong sunod na low blow sa ikaapat at ikalimang round na naging dahilan para ma-disqualify ang Thai boxer.
Kontrolado ni Sakmuangklang ang unang apat na rounds nang siya ang kumakana ng mga puntos matapos na patamaan ang Pinoy ng mga malalakas na jabs at straight sa mukha at mabuti na lamang matindi ang determinasyon ng huli at di ito bumigay sa laban.
"Dapat na-disqualify na siya ng referee sa 5th round, pero di ginawa ng referee, dahil gusto niyang maging maganda ang aking panalo," dagdag pa ni Pacquiao.
Samantala, sa undercard, kapwa matagumpay na naidepensa rin ng magkapatid na Ernesto at Juanito Rubillar ang kani-kanilang WBC International titles matapos na magtagumpay sa magkahiwalay na laban.
Isang knockout na panalo ang itinala ni Ernesto sa ikaapat na round nang kanyang pabagsakin si Somthawin Singwongcha sa kanilang minimum-weight bout, habang isang technical knockout (TKO) ang naging daan sa panalo ni Juanito sa ikaanim na round kontra Fahsang Pow Pongsawang para sa lightweight class. (Ulat ni Maribeth Repizo)