Osaka Iridology pinalamig ng Ana Freezer

Patuloy sa pananalasa ang Ana Freezer Kings nang kanilang pasadsarin ang Osaka Iridology, 79-72 sa pagpapatuloy ng elimination round ng PBL Chairman’s Cup sa Makati Coliseum kahapon.

Bumangon ang Freezer Kings mula sa 6-point deficit matapos umarangkada sa huling bahagi ng labanan upang ilista ang ikaapat na sunod na panalo at ikalima sa 6 na laro.

Buhat sa 66-60 bentahe ng Iridologists, pinangunahan nina Dondon Mendoza, Paul Artadi at Ronald Tubid ang eksplosibong 15-0 run para sa panigurong 75-66 kalamangan, 47 segundo na lamang ang nalalabing oras sa laro.

Huli na nang magising ang Osaka at di na nakabangon pa sanhi ng kanilang ikaapat na sunod na kabiguan sa gayunding dami ng laro.

Pinangunahan ni Tubid ang Freezer Kings sa paghakot ng 22 puntos, 11 puntos nito ay sa fourth quarter na sinigundahan ng 16, 14 at 9 puntos nina Mendoza, Artadi at assistant playing coach na si Rey Mendez.

Ipinakita ng Osaka ang kanilang determinasyon na maitala ang limang panalo nang kanilang pakawalan ang 10-4 run para sa 66-60 kalamangan, ngunit pagkatapos nito ay tila nabuhusan ng malamig na tubig ang Iridologists.

Nakasama sa Osaka ang 32 turnovers kung saan nakakuha ng 37 puntos ang Freezer Kings kaya’t di napakinabangan ng Iridologists ang kanilang bentahe sa larangan ng rebounds, 43-34.

"Malaking tulong talaga ang dasal at saka suwerte sina Artadi, Mendoza at Tubid," pahayag ni Rudy Mendoza ang team owner at tumatayong coach ng koponan." Sabi ko huwag maging kumpiyansa at baka masilat pa."

Show comments