At sa darating na Abril 28, nakatakdang idepensa ni WBC International superbantamweight champion Manny Pacquiao ang kanyang korona sa ikalimang pagkakataon kontra sa Thai na si Wethya Sakmuangklang sa Provincial Capitol Grounds, Amas, Kidapawan City sa North Cotabato.
Tinaguriang "Rumblin by the Mountain Part 2" ang naturang triple header ay magiging sagupaan sa pagitan ng Filipino sluggers at ng mga Thai pugs kung saan ang kikitain sa labang ito ay mapupunta sa sports development program ng Mindanao.
Hatid ng San Miguel Beer at Royal Palm Hotel, ang triple boxing extravaganza ay kakatampukan rin ng magkapatid na Rubillar sina Ernesto at Juanito na magtatanggol rin ng kani-kanilang WBC international title.
Ang Abril 28 ang tinatayang pinakakritikal na araw para kay Pacquiao hindi lang para idepensa niya ang kanyang korona kontra sa malakas na kalaban kundi magbibigay rin ito ng daan para sa kanya para mapasabak sa world title fight.
Aakyat sa ibabaw ng lona ang kasalukuyang WBC superbantam weight champion Willie Jorrin ng Amerika kontra Michael Brodie ng Great Britain sa Hunyo 1 sa Sacramento California para sa world title.
At sa pagbisita ni promoter Gabriel "Bebot" Elorde sa Amerika kamakailan, inalok niya si Don Chargin, ang manager ni Jorrin para sagupain si Pacquiao, na kasalukuyang ranked No. 3 sa WBC ratings kung magtatagumpay ang Pinoy champ sa kanyang ikalimang depensa. Nakatakda niyang harapin ang WBC superbantam weight champion sa Oct. ngayong taon para sa isang world title sa Manila.