Soquino, Jopia umusad sa 2nd round ng Truflex Tennis Tourney

Ginapi ng seventh seed na si Janji Soquino si Edgardo Banaag II, 6-0, 6-3 at pinayukod naman ng No. 8 na si Julianito Jopia si So Yamashita, 6-2, 6-0 kahapon upang makausad sa second round ng boys’ 16-under class ng Truflex National Age Group Tennis Championships sa Rizal Memorial Tennis Center.

Haharapin ni Soquino si Carlo Oca na nagtala ng 7-6 (5), 6-4 panalo kontra Rommel Canillas, habang sasagupain ni Jopia si Jerry Huyoa na umiskor ng 6-4, 6-0 panalo kontra Jon Inri Grape.

Umusad din sina Valjames Villanueva na tinalo si Elias Laron, 6-0, 6-2 at Joseph Magbanua ng Davao City na kumana ng 6-2, 6-2 panalo kontra Laurence Sola.

Sa iba pang laban, binokya ni Carlos Pantua si Aljay Urmasa, 6-0, 6-0; namayani si James Carl Canete kay Jose Lorenzo Opulencia, 6-2, 6-3 at nakaungos si Bryan Lontoc kay Hommer Paulo Perez, 6-2, 2-6, 6-4.

Sa boys’ 14-under bracket, naligtasan ni Duma Boloto ang hamon ni Carlo Navarro, 6-4, 4-6, 6-2 upang umusad sa susunod na round, habang nagwagi naman sa unisex 10-under division sina Tomas Apacible, Justin Echague, Raj Jerad Dycoco, Demrick Alina, Nikki Clarise Antolin, Ernesto Pantua at Raymarc Santiago.

Show comments