Makaraang buksan ni Reyes ang engkuwentrong "The Color of Money Part II" sa pamamagitan ng 11-7 panalo noong Huwebes, tinapos naman nito ang ikalawang sesyon sa pamamagitan ng 11-9 panalo upang kunin ang 22-16 bentahe sa race-to-33 match na ito.
Bunga nito, nangangailangan na lamang si Reyes ng 11 racks upang makopo ang premyo, habang si Strickland ay obligadong maghabol ng 17 racks sa pagpapatuloy ng kanilang laban kagabi.
Habang sinusulat ang artikulong ito, kasalukuyang nagpapakita ng trick shots ang world no. 1 na si Strickland bilang intermission.
Kasunod nito ay ang ladies exhibition match sa pagitan nina Angeline Halili at Ces Marquez sa isang race-to-7 affair.
Bilang pampagana sa pagpapatuloy ng laban nina Reyes, ang kilalang "The Magician" at Strickland, magkakaroon naman ng race-to-7 exhibition match ang mga basketbolistang sina Glen Capacio at Kenneth Duremdes.
Umbante na si Reyes ng tatlong rack, 8-5 ngunit inalat si Reyes na nagbigay ng pagkakataon kay Strickland na tumabla sa 9-all.
Nakuha ni Reyes ang bentahe nang masilat nito si Strickland sa ika-19th game matapos magmintis ang Kano sa 8-ball na bumitin sa corner at tulu-yang tinapos ni Reyes para sa 10-9 kalamangan.
Bagamat pumasok ang 1-3-5 balls sa pagsargo ng Kano at naipasok ang mahirap na 2-ball sa pamamagitan ng doblete, nagmintis naman ang kanyang tira sa 4-ball sa corner na nagbigay kay Reyes ng pagkakataon upang malinis ang lamesa at tapusin ang sesyon.
Matatandaan na sa una nilang paghaharap sa "The Color of Money Part 1" na ginanap sa Hong Kong apat na taon na ang nakakaraan, ginapi ng 47-anyos na si Reyes ang five-time US Open winner at five-time world champion na si Strickland sa race-to-120.