Strickland babawi

Sisikapin ni Earl Strickland na makabawi sa kanyang unang pagkatalo sa pagpapatuloy ngayon ang $20,000 one-on-one showdown nina Efren "Bata" Reyes at Earl "The Pearl" Strickland para sa kanilang race-to-33 match sa Amphitheater ng Casino Filipino sa Parañaque City.

Gaganapin ngayong gabi ang huling dalawang race-to-11 matches nang kanilang sagupaan na tinaguriang "Color of Money Part II" upang matukoy ang mag-uuwi ng $15,000 na premyo at $5,000 para sa matatalo.

Ang unang race-to-11 na ikalawang bahagi ng kanilang duwelo ay sisimulan sa ganap na alas-3 ng hapon at tatapusin ang race-to-33 match sa ikatlong parte ng kanilang labanan sa alas-7 ng gabi.

Nakauna na si Reyes sa labanang ito ng kanyang pagwagian ang unang race-to-11 match sa iskor na 11-7 at nangangailangan na lamang ito ng 22 racks tungo sa tagumpay.

Nauna rito, magkakaroon ng pampaganang laban bago simulan ang Strickland-Reyes duel kung saan tampok ang mga basketbolistang sina Kenneth Duremdes at Glenn Capacio sa kanilang exhibition match na race-to-7.

Maghaharap naman sina Angeline Halili at Ces Marquez para sa deciding third match.

Naging mahigpit ang labanan nina Reyes at Strickland noong Huwe-bes ng gabi kung saan kumawala lamang ang 47-gulang na si Reyes matapos ang 7-ball pagtatabla tungo sa kanyang tagumpay.

Siguradong uusok ang mga kamay ni Strickland, five-time winner ng US Open at five-time world champion dahil tiyak na di ito papayag na muling maipadama ni Reyes ang kanyang supremidad sa kanilang rivalry.

Matatandaan na tinalo ni Reyes si Strickland sa unang bahagi ng kanilang labanan, apat na taon na ang nakakaraan sa Hong Kong matapos na umahon ang una mula sa 17th racks deficit tungo sa kanyang panalo sa race-to-120. (Ulat ni Maribeth Repizo)

Show comments