Ito ay kanyang pinatunayan sa pamamagitan ng kanyang consistent performance sa nakaraang linggo upang ihatid ang Purefoods TJ Hotdogs sa dalawang sunod na panalo na naglapit ng kanilang katayuan sa quarterfinal round ng PBA All-Filipino Cup.
Sa dalawang laro ng Purefoods si Patrimonio ay may average na 19.5 puntos, 5 rebounds at 4 assists na naging dahilan upang iboto ito ng mga miyembro ng PBA Press Corps bilang Player of the Week ng linggong Marso 19-25.
Si Patrimonio ay nagtala ng 21 puntos, 4 rebounds at 5 assists sa 86-79 panalo ng TJ Hotdogs noong Marso 21 kontra sa Batang Red Bull.
Tinapos naman ni Patrimonio ang linggo sa pamamagitan ng 17 puntos, 6 rebounds at 3 assists performance upang pamunuan ang Purefoods sa 79-71 panalo na sumilat sa San Miguel Beer.
Naging mahigpit na kalaban ni Patrimonio ang nakaraang Player of the Week na si Chris Jackson. Tinalo rin ng tinaguriang "The Captain" sina Francis Belano ng Sta. Lucia, rookie Mike Hrabak ng Shell Velocity at Vergel Meneses ng Barangay Ginebra.
Pinangunahan nina Jackson at Hrabak ang Turbocharger sa kanilang tinapos na tig-20 puntos upang pasadsarin ang Pop Cola Panthers noong Marso 23.
Pinagbidahan naman ni Meneses ang Gin Kings sa pagtatala ng 17 puntos, 7 rebounds at 3 assists tungo sa 77-70 panalo laban sa Mobiline Phone Pals noong Marso 23.
Nanomina naman ang rookie na si Belano matapos magtala ng 17 puntos, 7-rebounds at 6 assists sa 95-85 tagumpay ng Realtors kontra sa Red Bull sa kanilang out-of-town game sa Malolos, Bulacan noong Sabado.