At muli, ipinamalas ng Laguna province ang kanilang supremidad ng ibulsa ang championship trophy sa elementary at high school levels ng Southern Tagalog Regional Athletic Association (STRAA) Meet 2001.
Iginawad ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang tropeo kay Laguna Governor Teresita Ningning Lazaro sa closing ceremonies ng isang linggong meet na ito na hatid ng Department of Education, Culture and Sports (DECS) na ginanap sa New San Luis Recreational, Educational, Cultural and Sports (RECS) Village, Sta. Cruz, Laguna.
Ito ang ikatlong sunod na nakopo ng Laguna ang top place kontra sa 16 iba pang local government units (LGUs) sa Region IV sa elementarya at high school division.
Humakot ang Laguna ng 135 puntos sa elementary level at 360 naman sa high school division.
Pumangalawa ang Palawan at tersera naman ang Puerto Princesa City delegation bunga ng kanilang 125.25 at 111.5 puntos, ayon sa pagkakasunod sa elementary division.
At sa high school category, inumit ng Puerto Princesa ang ikalawang puwesto na may 128.5 puntos at sumunod ang Rizal na may 105.625 puntos.
Nanguna ang mga batang manlalaro ng Laguna sa athletics, baseball, taekwondo, gymnastics, arnis at karatedo sa primary at secondary levels. Napasakamay rin ng Laguna ang top spot sa basketball para sa lalaki at babae, volleyball sa lalaki at softball sa high school division.