Red Bull, Shell Velocity, maghihiwalay ng landas

Natupad na rin sa wakas ang hiling ni Dindo Pumaren na makasama ang kanyang kapatid na coach na si Derick Pumaren sa Tanduay Gold at sisimulan na nito ang kanyang paglilingkod sa kanyang bagong koponan sa nakatakdang laro ngayon ng Rhummasters sa pag-usad ng eliminations ng PBA All-Filipino Cup.

Makakasagupa ngayon ng Tanduay ang Barangay Ginebra sa pambungad na laban sa ganap na alas-5:15 ng hapon sa PhilSports Arena na susundan naman ng main game sa pagitan ng Shell Velocity at Batang Red Bull sa dakong alas-7:30 ng gabi.

Sa engkuwentrong Turbochargers at Red Bull, nakataya ang ika-anim na panalong magbibigay sa mananalo ng karapatang makisosyo sa nagsosolong lider na San Miguel Beer na may 6-2 panalo-talo.

Ang Thunder at Shell ay magkasosyo sa ikalawang puwesto taglay ang 5-2 win-loss slate kasunod ang Gin Kings, 4-3 at defending champion Alaska Aces na may 4-4 record.

Kamakalawa, natapos ang matagal nang negosasyon ng Tanduay at Purefoods ukol kay Pumaren. Ipinaubaya ng Hotdogs sa Rhummasters ang naturang cager kapalit ng future first round pick ng Purefoods na pipiliin ng Hotdogs alin man sa susunod na limang taon at may option din ang Ayala franchise na makipagpalitan ng first round picks kung mas mataas ang magiging future pick ng Rhummasters.

Sa tulong ni Pumaren, hangad ng Tanduay na nag-iingat ng 3-5 kartada tulad ng walang larong TJ Hotdogs sa likod ng Pop Cola Panthers (3-4) kasunod ang Sta. Lucia Realty at Mobiline Phone Pals na magkasalo sa pangungulelat sanhi ng 2-5 kartada, na makabawi sa 72-84 pagkatalo sa Ginebra sa kanilang engkuwentro sa Urdaneta, Pangasinan noong Pebrero 3.

Inaasahang makakalaro na rin ngayon si Benjie Paras na bagamat handa na noong nakaraang 91-75 pamamayani ng Shell kontra sa Tanduay noong Biyernes ay hindi pinaglaro ni coach Perry Ronquillo. Dahil siguradong magaling na si Paras na naospital dahil sa ear infection at namamagang lalamunan, malaking tulong ito kina Dale Singson, Rob Wainwright, rookie Michael Hrabak, Gerry Esplana, Mark Telan, Chris Jackson at iba pa.

Tinalo naman ng Red Bull ang Ginebra 79-72 sa kanilang out-of-town game sa Iloilo City noong Sabado at ito ang pagsisikapang maibaon sa limot ng Gin Kings kontra sa Tanduay.

Naririyan sina Davonn Harp, Kerby Raymundo, Lowell Briones, Glenn Capacio, Ato Agustin, Junthy Valenzuela at iba pa na inaasahang mahihi-rapan pa rin kung di pa rin makakalaro si Michael Pinnesi na may injury sa bukong-bukong.

Para sa Ginebra, naririyan naman sina Jun Limpot, Vergel Meneses, Bal David, rookie Mark Caguioa, Alex Crisano, Jayjay Helterbrand at iba pa. (Ulat ni Carmela Ochoa)

Show comments