Gaya ng dapat asahan, binanderahan ni Grandmaster Rogelio "Joey" Antonio ang kampanya ng koponan nang igupo si NM Roland Joseph Perez sa Board 1, bago sinundan ng kanyang mga teammates na sina IM Ildefonso Datu at Liolen Tubianosa ang kanyang panalo sa sumunod na dalawang boards.
Napigil ni Datu si NM Michael Gotel, habang dinispatsa naman ni Tubianosa si Michael Palma para sa ikalawa at ikatlong panalo ng koponan.
Hindi naman pinalad si Edmundo Gaus nang yumukod ito kay Cris Palma sa Board 4 para sa nag-iisang panalo ng Bocaue.
Bunga nito, nakisosyo ang Mandaluyong-based chessers sa karangalan ng Manila na isa sa apat na koponan na umiskor ng sweep sa ikalawang round kahapon.
Binokya ng second-ranked Manila na pina-mumunuan nina IMs Richard Bitoon at Barlo Nadera ang Iloilo City, 4-0 upang makisalo sa kalamangan sa pagkulekta ng kabuuang pitong panalo. Umiskor rin ang Big City chessers ng 3-1 pamamayani kontra sa Muntinlupa C sa first round noong Linggo.