Sa kabila na nakakuha na sila ng ticket patungong semifinals noon pang Huwebes, hindi pa rin nagpabaya ang host at kanilang ibinigay ang lahat upang maningning na itiklop ang single-round eliminations na malinis ang kanilang kampanya.
Gaya ng dati, pinangunahan ni Johnny Arcilla ang pambobokya sa kalaban nang kanyang igupo si Renouk Wijimanne, 4-2, 4-2, 5-4 (7-2) sa unang singles match sa loob lamang ng isang oras at 25 minutos.
Ngunit mas higit na pumukaw ng pansin ang beteranong si Adelo Abadia nang kanyang patalsikin si Dinuka Ranaweera, 4-0, 4-0, 4-1 sa loob lamang ng 47 minuto.
Kinailangan naman ng tambalang Rolando Ruel Jr., at Joseph Victorino na buma-ngon mula sa unang set na pagkakalubog bago nila nadaig ang tandem nina Ranaweera at Subramaniam, 2-4, 4-1, 4-0, 5-3 upang kumpletuhin ang pananalasa ng koponan.
Bunga nito, mapapasabak ang RP team kontra Tajikistan sa semifinals ngayon.
" Tomorrow will be a big day for us. We will have to work doubly harder," pahayag ni RP non-playing team captain Joseph Lizardo hinggil sa pakikipaglaban sa Tajikistan.
Kinuha ng Tajikistan ang runner-up sa Group B matapos na ma-sweep ang Ka-zakhstan, 3-0 at isara ang kanilang elimination series sa 2-1 record.
Habang sinusulat ang artikulong ito, kasalukuyan pang naglalaban ang Saudi Arabia at Qatar sa Group B kung saan pinaghatian nila ang kanilang naunang dalawang laro.