Posible pa ngang hindi ito maglaro para sa RhumMasters sa 2001 season ng Philippine Basketball Association at kung magkakataon ay sa Pop Cola Panters ang bagsak nito.
Nakatakda sanang pumirma ng kontrata si Hawkins sa ensayo ng RhumMasters kahapon ngunit walang kontratang nalagdaan.
Ito’y makaraang magdalawang-isip ang Tanduay na interesado sa alok ng Pop Cola.
Nais kunin ng Tanduay si Bonel Balingit na nagpahayag ng kanyang interes na maglaro para sa RhumMasters.
Ang rights ni Balingit na naglalaro sa San Juan Knights sa MBA ay hawak ng Pop Cola.
Ang San Juan ay pagmamay-ari ni Sandy Javier na malapit na kaibigan ng manager na si Mayor Jinggoy Estrada.
Napapabalitang posibleng mawala na ang San Juan sa MBA kaya’t ito ang maaaring dahilan ng kagustuhan ni Balingit na magbalik-PBA.
Masusing pinag-iisipan ng RhumMaster ang posibleng trade sa Pop Cola sa kanilang hangaring makabuo ng kompetitibong koponan.
Nauna nang inialok ng Pop Cola ang trade na kinapapalooban nina Balingit at Nelson Asaytono kapalit ni Hawkins at isang future draft pick.
Tinanggihan ito ng Tanduay dahil masikip ang kanilang salary cap.
Ayon sa isang impormante, si Balingit ay humihingi ng P250,000 suweldo sa isang buwan at si Asaytono naman ay tumatanggap ng P400,000 mula sa Pop Cola.
Dahil sa kaganapang ito, nanatiling nakabimbin ang P18-milyong kontrata na tatagal sa loob ng 4-taon na napagkasunduan ng Tanduay ni Hawkins.
Si Hawkins ay pinakawalan ng Alaska kapalit ng future draft pick ng RhumMasters.
Hindi lamang ang Tanduay ang interesado kay Balingit. Sa katuna-yan, isa sa mga interesado kay Balingit ay ang Mobiline na nasa proseso rin ng pagre-rebuild ng koponan.
Matatandaang hinainan ng Mobiline si Kenneth Duremdes ng P48-milyong kontrata na tatagal ng 8-taon ngunit tinapatan lamang ito ng Alaska. (Ulat ni Carmela Ochoa)