Ito ay matapos maisara ang trade kahapon ng umaga sa pagitan ng Aces at Rhummasters.
Kapalit ni Hawkins ay ang dalawang future draft pick ng Tanduay na hindi tinukoy kung anong mga taon.
Ito ang kinumpirma kahapon ni Danny Espiritu, ang agent ni Hawkins gayundin ng bagong coach ng Tanduay na si Derick Pumaren.
"The trade is sealed already. Hindi lang namin alam kung anong picks ang ibibigay ng Tanduay sa Alaska," ani Espiritu.
Matatandaang napabalitang hahatagan ng Rhummasters si Hawkins ng offer sheet pagkatapos i-match ng Alaska ang nilagdaang offer sheet ni Kenneth Duremdes sa Mobiline Phone Pals.
Ang offer sheet ay nagkakahalaga diumano ng P33.5 milyon na tatagal ng pitong taon.
Bunga nito, naubos na ang starting line-up ni Tim Cone sa kanyang grand slam title noong 1996.
Nauna nang umalis si Jeffrey Cariaso noong 1997 matapos i-trade sa Mobiline kasunod ni Jojo Lastimosa noong nakaraang taon at sinundan naman nina Poch Juinio at Johnny Abarrientos na magkakasama na ngayon sa Pop Cola Panthers.
Dahil sa kaganapang ito, makakasama naman ni Hawkins ang dating teammate na si Cariaso na napunta naman sa Rhummasters matapos ang three-team trade noong naka-raang taon.
Malaking tulong para sa bagong coach ng Rhummasters na si Derick Pumaren ang pagkakadagdag ni Hawkins sa kanyang koponan na di pa rin tiyak kung makakaasa na sa season na ito kay Eric Menk na hindi pa nakakakuha ng confirmation mula sa Department of Justice.
"I’m happy that we got Bong. He can play three of four spots comfortably plus he is a veteran. We will not be running as much as this team did last year," wika naman ni Pumaren.
Dahil hindi mapapirma ng Aces si Hawkins bunga ng pagkaka-trade nina Abarrientos at Juinio kapalit nina Ali Peek at Jon Ordonio sa Pop Cola, nagdesisyon ang Alaska na i-trade na lamang ang tinaguriang ‘The Hawk’.
Bunga nito, ang tanging makakaagapay ni Duremdes na tiyak na walang kawala sa Alaska dahil nakatakda nang i-match ng Aces ang offer sheet ng Mobiline ay ang mga dating kasa-ahang sina Don Carlos Allado, Rodney Santos, Bryan Gahol, James Walkvist at Jun Reyes kasama ang mga bagitong sina Peek at Ordonio, rookies John Arigo, Kenny Evans at Dino Aldeguer.
Samantala, matapos na makaseguro na mananatili sa kanilang poder ang kanilang franchise player, inaakit naman ng Alaska si Rudy Hatfield na kamakailan lamang ay lumagda na sa Pop Cola ng tatlong taong kontrata na nagkakahalaga ng P16.8 milyon.
Sa kaugnay na balita, mariing itinanggi ng high-flying cager na si Bong Alvarez ang mga naglabasang ulat na siya ay nakikipagnego-sasyon sa Alaska Aces para sa muli niyang pagbabalik sa PBA.
Sinabi ng 32-anyos na si Alvarez, tinaguriang ‘Mr. Excitement’ na handa niyang tapusin ang nalalabing isang taong kontrata sa Pasig-Rizal sa MBA sa kabila ng mga ulat na hindi pa nakakabayad ang Pirates ng kanyang dalawa’t kalahating buwan na suweldo. (Ulat ni Carmela Ochoa)