Arigo, Miller o Hrabak sa 1st pick ng Annual PBA Draft

Ngayon malalaman kung sino ang magigig first pick sa Annual PBA Draft.

Ito ba ay si Willie Miller, na umaasam na muling makasama sa team ang kakamping Letran Knights na si Kerby Raymundo o ang Fil-Americans na sina John Arigo at Michael Hrabak?

Hanggang sa kasalukuyan ay nagdadalawang-isip ang Batang Red Bull na siyang may karapatan sa first pick kung sino ang kanilang pipiliin bagamat noong una’y nagpahiwatig na si Miller ang kanilang kursunada dahil sa akmang pamalit sa injured na si Jimwell Torion na nakatakdang operahan ang balikat at malamang na hindi kaagad makalaro sa pagbubukas ng 27th PBA Season sa Enero 28.

Ngunit higit na gumulo ang mundo ng Thunder nang dumating ang Fil-Am na si John Arigo na may magandang kredensiyal na ibinigay.

Lalo pang naguluhan ang Red Bull nang biglang sumulpot ang pangalang Michael Hrabak na may taas na 6’6 na ayon sa agent na dating PBA player na si Rey Yncierto ay naglalaro ng halos lahat ng posisyon.

Ang lahat ng ito ay magbibigyan ng linaw sa pagtatanghal ng PBA Annual Draft ngayong ala-una y medya ng hapon sa Glorietta Park, Makati.

At Red Bull ang unang pipili sa first round at sakaling hindi nila mapulot ang alinman kina Arigo at Hrabak hindi na palulusutin ito ng Shell Velocity na malaki din ang interes sa naturang Fil-Am cager bilang ikalawa sa pipili.

Ikatlong pipili mula sa 57 aplikante, na karamihan sa manlalaro ay nagmula sa MBA, ay ang Barangay Ginebra, kasunod ang Mobiline na nakuha ang ikaapat na pagpili mula sa Tanduay na mula naman sa Pop Cola, panglima ang Alaska na nakuha sa isang trade mula sa Mobiline, kasunod ang Sta. Lucia at muli ang Mobiline na nakuha naman sa Tanduay, pangwalo ang Sta. Lucia na mula naman sa Shell na nakuha ng Turbo Chargers sa kanilang trade ng Alaska, Purefoods at San Miguel.

Mula sa 12 aplikanteng Fil-foreign players, lima lamang ang nakapagbigay ng confirmation mula sa Department of Justice.

Bukod kina Arigo at Hrabak ang tatlo pang Fil-Ams na kasama sa pagpipilian ay sina Jeremy Aniciete, David Matthew Friedhof at Kenny Evans.

Mainit naman ang mga pangalang Francis Zamora, Marvin Ortiguerra, Michael Robinson, Anton Villoria at Roger Yap na pawang mga mahuhusay na PBL players. (Ulat ni Dina Marie Villena)

Show comments