7 founding members ng PSA pararangalan

Pitong founding members ng Philippine Sportswriters Association, kabilang na ang dalawang dating press secretaries ang bibigyan ng pagkilala sa PSA Awards Night sa Enero 18 sa Holiday Inn Manila.

Ito ay sina Teodoro Benigno, Rodolfo Reyes, Zacarias ‘Taby’ Tabaniag, Ernie Singson, Rodolfo Pantaleon, Enrique ‘Pocholo’ Romualdez at Tito Perez de Tagle.

Sina Benigno at Reyes ay kapwa nagsilbing press secretaries sa gabinete nina dating Pangulong Cory Aquino at Joseph Estrada ayon sa pagkakasunod.

Si Benigno ay may kolum sa Philippine Star habang si Reyes naman ang director ng Taiwan Economic Coordinating Council.

Si Tabaniag, 80 anyos ay kilalang golf rulesman at nagsusulat ng kolum sa Manila Standard.

Si Singson ay dating baseball writer at vice-chairman ng Journal Group habang si Pantaleon na dating sports editor ng dating Manila Chronicle ay PR consultant ng Yuchengo Group of Co.

Si Romualdez naman ay nagsulat sa Manila Times at Daily Express at ngayon ay executive editor ng Malaya.

Si Tagle naman ay dating sports editor ng dating Philippine Herald at nagsusulat ng sports column sa Manila Times at kasalukuyang deputy secretary general ng Basketball Association of the Philippines.

Ang Awards Night na itinataguyod ng Red Bull at Agfa Color na may suporta ng McDonalds ay maggagawad ng Athlete of the Year award kay golfer Dorothy Delasin.

Show comments