Bagamat pinutakti ng kontrobersya ang PBA, di malilimutan ang taong ito dahil sa season na ito kinilala ang 25 greatest PBA players ng liga sa araw ng pagdiriwang ng kapanganakan ng PBA noong Abril.
Siyempre, nanguna sa listahan ang four-time MVPs na sina Ramon Fernandez, Alvin Patrimonio, Bogs Adornado at ang alamat na si Robert Jaworski na isa na ngayong senador.
Tampok din ang pagkopo ng San Miguel Beer sa Commissioners Cup at katatapos lamang na Governors Cup upang magtala ng bagong all-time record na 15 titles sa kanilang all-time record din na 22 finals appearances.
Ang All Filipino Cup naman ay nakopo ng Alaska Milk.
Maraming problema at kontrobersya na kinaharap ang PBA partikular na sa mga manlalarong may dugong dayuhan kaya naman napatalsik sa bansa ang pambatong player ng Mobiline na si Paul Asi Taulava at sinundan naman ito ni Sonny Alvarado ng Tanduay Gold.
Sa pagkakadeport ni Alvarado matapos matuklasan ng Bureau of Immigration na wala itong dugong Pinoy, pinarusahan ng PBA ang Tanduay sa pamamagitan ng pagpo-forfeit ng kanilang naipanalong semi-final games kontra sa Purefoods TJ Hotdogs kung saan naglaro si Alvarado.
Tutol dito ang Tanduay kayat kumuha ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Rhum Masters upang pigilan ang pagpapatupad ng naturang parusa na siyang dahilan upang maantala ang All Filipino Cup.
Naresolba naman ito ng PBA at bilang parusa sa Tanduay, pinagmulta ito ng P2.5 milyon ngunit naging mahigpit na ang PBA sa eligibility rules.
Hindi na nakapaglalaro si Eric Menk sa Rhum Masters at maaari lamang itong makabalik laro kung makakapagprisinta ito ng clearance mula sa DFA at certification mula sa DOJ na ine-require sa mga Fil-Foreign players.
Bilang pag-iingat ng liga, napagkasunduang magmumulta sa PBA ng kalahating milyon, bawat laro ang bawat player Fil-Foreign player na maglalaro ngunit di makakakuha ng DOJ clearance.
Pagkatapos ng PBA versus Tanduay issue, PBA versus Jun Bernardino naman ang sumunod na problema.
Nagbantang mabibitiw sa tungkulin si Bernardino nang magdesisyon ang Board of Governors na baguhin ang charter ng liga na makakabawas sa kapangyarihan ng Commissioner.
Bandang huli, naresolba rin ito at pumayag si Bernardino sa naging ammendments sa constitution and by laws ng liga.
Bago pa man nagsimula ang 26th season, nagkaroon na ng isyu sa palitan ng players ng Ginebra at Sta. Lucia Realty.
Ipinaubaya ng Gin Kings si Marlou Aquino sa Realtors kapalit ni Jun Limpot ngunit hinatagan ng offer sheet ng expansion team Batang Red Bull si Aquino.
Nakialam ang PBA sa usaping ito at bandang huli ay pumirma rin ng isang taong kontrata si Aquino.
Di lamang mga Fil-Foreign Players ang napatalsik sa liga. Na-ban ng isang taon si Kerby Raymundo nang matuklasang dinoktor lamang ang kanyang school record at di pa ito maa-aring maglaro para sa Red Bull.
Maaari nang maglaro sa susunod na season ng PBA si Raymundo at tiyak na lalong lalakas ang Thunder.
Hindi lamang players ang nasibak kundi pati na rin ang coach ng Mobiline na si Eric Altamirano dahil sa mahinang performance ng Phone Pals sa likod ng kanilang pagkakakuha sa serbisyo ni Gherome Ejercito at Don Camaso mula sa MBA.
Pumalit sina Louie Alas at Aric del Rosario at naging maganda na ang takbo ng koponan.
Isa rin sa magandang alaala ng taong ito ay ang exhibition game sa pamamagitan ng ABC All Star Team at PBA All Star Selection.
Ipinakita ni Menk ang kanyang pusong Pinoy nang pangunahan nito ang PBA squad tungo sa kanilang101-81 panalo kontra sa ABC squad.