Makakasagupa ng Realtors ang magpaparada ng kanilang bagong import na si Isaac Fontaine, ang Alaska Aces sa pambungad na laban, sa ganap na alas-4:15 ng hapon.
Makakalaban naman ng Gin Kings ang talsik na sa kontensiyong Shell Velocity sa main game sa dakong alas-6:30 ng gabi.
Higit na pagtutuunan ng pansin ang labanang Ginebra at Turbo Chargers sa kanilang parehong huling asignatura sa eliminations ng third conference na ito dahil sa resulta ng laro nakasalalay ang kapalaran ng Kings.
Kung mabibigo ang Ginebra, ang tanging pag-asa ng tropa ni coach Allan Caidic na awtomatikong pumasok sa quarterfinals ay ang kabiguan ng naghahabol na Pop Cola Panthers sa kanilang huling laro laban naman sa Sta. Lucia sa susunod na Linggo.
Ngunit kung papalarin ang Panthers, itoy nangangahulugang magtutuos para sa ikawalo at huling quarterfinals slot ang Pop Cola at Ginebra sa isang playoff game.
Inaasahang maiaangat ni Fontaine, pumalit kay Joe Temple ang Realtors na galing sa dalawang sunod na talo.
Ang 25-anyos na si Fontaine ay nasukatan sa taas na 64, tubong Sacramento, California, hinasa sa Washington State College at naglaro sa CBA para sa koponan ng Connecticut Pride.
Susukatin ang galing ni Fontaine ng Aces na naghahangad na makabawi sa kanilang 78-92 pagkatalo sa Red Bull Thunder na pumutol ng kanilang three-game winning streak.
Kumpara sa Shell na galing sa ikalimang sunod na talo sanhi ng kanilang 1-7 kulelat na record, higit na pinapa-borang manalo ang Ginebra na may two-game winning streak sanhi ng kanilang 3-5 kartada.