4 koponan magsasagupa sa 2nd PBL Challenge Cup

Buwenamanong panalo ang hangad ng apat na koponang maglalaban-laban ngayon sa dalawang larong nakatakda sa 2nd PBL Challenge Cup sa Makati Coliseum.

Magdedebut sa araw na ito ang bagitong koponan na Pharma Quick na sasagupa kontra sa Blu Sun Power sa ikalawang laro dakong alas-5 ng hapon pagkatapos ng sagupaan ng Hapee Toothpaste at Ana Freezers na magsasalpukan sa ganap na alas-3.

Nais ng Hapee, Ana, Pharma Quick at Blu Sun Power na parisan ang naitalang tagumpay ng Shark Energy at Montana Pawnshop na namayani sa kani-kani-lang mga kalaban sa opening day ng ikalawang kumperensiyang ito ng PBL noong Martes.

Tinalo ng Shark ang Ateneo-Pioneer Insurance sa 64-54 iskor habang nasilat naman ng Montana ang defending champion Welcoat Paints, 69-61.

Inaasahang pangungunahan nina Christian Coronel, Mark Macapagal, Mico Roldan, Orlan Tama, Nurjanjam Alfad, Jay Lapinid, Frederick Hubalde at iba pa ang Pharma Quick na pangangasiwaan ng head coach na si Bernie Fabiosa.

Makikilatisan ang galing ng bagitong koponan ng Blu Detergent na babanderahan naman nina Jun Canoneo, Edwin Bacani, Eric dela Cuesta, Egay Billones, Mel Crisostomo at iba pang mga beterano.

Naririyan naman sina Junie Lopez, Rensy Bajar, Cyrus Baguio, Mark Saquilayan, Niño Gelig, Alwin Espiritu at iba pa para sa Hapee na tatapatan naman nina Marvin Ortiguerra, Ronald Tubid, Leo Vilar, Ray Mendez kasama ang iba pa para sa Ana Feezers.

Tanging ang isa pang bagitong koponan ang Osaka Iredologist na kakatawanin ng mga manlalaro mula sa De La Salle University ang hindi pa nakapag-debut.

Mapapasabak ang DLSU-Osaka sa Martes laban sa Ana Freezers.

Show comments