Bataan at Muntinlupa Chess team nanalasa

Humatak ang paboritong Bataan at Muntinlupa ng tagumpay upang pamunuan ang malaking grupo ng opening round winners sa Greenhills Shopping Center Chess team championship sa GSC Complex sa San Juan.

Umahon ang Bataan na nasa gipit na ng kabiguan sa pamamagitan ng panalo ni GM Joey Antonio sa top board nang kanilang igupo ang Tabilog Cargo Services sa 2.5-1.5, habang nagposte rin ng parehong panalo ang defending champion Muntinlupa kontra sa NDT- ‘A’ mula sa panalo naman ni NM Idelfonso Datu at IM Nelson Mariano II sa top two boards.

Ngunit mas pumukaw ng pansin ang Cubao Knights na nagtala ng 3-1 upset na panalo kontra sa higher-ranked NDT "B" mula sa tikas nina NMs Roberto Suelo Jr., at Romeo Aleodia kontra NMs Joseph Sanchez at Rodolfo Panopio.

Kasama ng tatlo sa liderato na may tig-isang puntos na bentahe sa nasabing nine-round Swiss System event na ito na suportado ng Coca Cola, Mister Donut Green-hills 24-hour branch, Lemon Square, Salonship Aquaparch, Nova Chips, Glutaphos at Jacobs Crackers ang syam na iba pa sa pamumuno ng Department of Trade and Industry.

Show comments