Ngayong gabi, nakatakdang umakyat sa ibabaw ng lona ang kampeon upang sagupain ang walang talong si Nadel Hussein ng Australia sa kanilang nakatakdang 12-round bout na tinaguriang "Encounter in Antipolo" na gaganapin sa Yñares Center sa Anti-polo City.
Siguradong sa pagtunog pa lamang ng bell ng unang round, walang aaksayahing segundo si Pacquiao upang matupad ang kanyang pangarap na makapasok sa world title fights.
Ang panalo ni Pacquiao ang siyang mag-aakyat sa kanya sa IBF junior featherweight title na kasalukuyang hawak ni Benedict (Lehlo) Ledwaba ng South Africa. Kung sakaling siya ay manalo kay Hussein, haharapin ng Pinoy si Simeon Ramoni sa Johannesburg sa susunod na buwan na siya niyang magiging hakbang para makaharap si Led-waba.
Sa kabila ng mga binitiwang pahayag ng 22-gulang na Lebanese-born na nakabase sa Australia, hindi natitigatig si Pacquiao at sa halip ay sinabi nito na sa laban na lang niya ipakita ang kanyang mga pinagsa-sabi.
Matatandaan na nagbanta ang Australian challenger na may ipinagma-malaking record na 19-0 na ang 11 dito ay pawang mga knockouts na hindi matatapos ang fourth round at kanyang pababagsakin ang Pinoy pug.
Ngunit ito ay minaliit lamang ng 21-anyos na si Pacquiao at may ring record na 29-2 na ang 20 rito ay pawang mga KOs.
"Kundisyon ako ngayon. Ibubuhos ko ang lahat ng aking makakaya upang matupad ko ang aking matagal ng pangarap ang mapasabak muli sa world title," pahayag ng tubong General Santos na si Pacquiao makaraan ang kanilang weigh-in na ginanap sa opisina ng Games and Amusement Board kahapon.
Si Pacquiao ay may bigat na 121 lbs, habang gayundin si Hussein na ang naturang pagtitimbang ay sinaksihan nina GAB chairman Atty. Domeng Cepeda at ng mga judges na sina David Chung ng Korea, Garry Dean ng Australia at referees na sina Bruce Mc Tavish at Sonny Padilla.
Dalawa pang WBC International title fights ang tampok sa laban nina Pacquiao at Hussein ang sagupaan sa pagitan nina minimum-weight champion Manny Melchor at Zarlit Rodrigo at Randy Mangubat na makikipagbasagan ng mukha sa Koreanong si Jong Wan Kim para sa bakanteng flyweight crown.