KIDAPAWAN CITY – Kumpirmadong napaslang ang drayber at konduktor ng isang pampasaherong bus habang isang pasahero naman ang nasugatan sa naganap na madugong holdapan sa bayan ng Guindulungan, Maguindanao kamakalawa.
Kinilala ang mga nasawi na sina Abdullah Saiben Mohamad, driver at konduktor nitong si Joel Hamindang ng Husky Transport Company na nakabase sa South Cotabato.
Kasalukuyang nasa ospital ang pasaherong si Roland Soquia matapos na tamaan ng bala ng baril sa paa.
Lumilitaw na sumakay sa bus ang dalawang ‘di-pa kilalang lalaki sa bahagi ng Barangay Salvo sa bayan ng Datu Saubi Ampatuan at pagsapit sa nasabing bayan ay nagdeklara ng holdap.
Matapos limasin ang pera, alahas at mga celfone ng mga pasahero ay hindi pa nakuntento at pinagbabaril ang drayber at konduktor.
Gayundin, ang pasaherong si Soquia matapos ang komosyon sa loob ng nasabing bus kung saan mabilis na nagsitakas ang mga holdaper.
Isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon ang kaso habang naglunsad na ng malawakang dragnet operation ang pulisya para madakip ang mga holdaper. (Malu Manar at Joy Cantos)