Biglang sumikat ang abang avocado. Naulat ang prutas kamakailan sa The New York Times at The Economist.
Bagay ang hinog at malinamnam na avocado sa tustadong tinapay, salad at burgers. Puwede ring budburan ng konting asin para papakin. Importante sa lahat, masustansiya ang avocado.
Saludo sa avocado si Dr. Frank Hu, propesor ng nutrition at epidemiology sa Harvard T.H. Chan School of Public Health. Aniya, punumpuno ito ng nutrients. Konti lang ang carbohydrates pero tadtad sa malusog na fats at fibers. Nakakabusog pa.
Napapababa ng avocado ang cholesterol. Mabuti sa puso ang fats nito, ani Dr. Elizabeth Klingbeil, dietitian sa University of Texas-Austin. Karamihan ng fats sa avocado ay monounsaturated kaiba sa saturated fats ng karne. Nakakabara ang saturated fats sa ugat, kaya maaring mauwi sa stroke o atake sa puso, aniya.
Sinuri ni Dr. Hu ang 110,000 pasyente nang 30 taon. Nabatid niya na ang mga kumakain ng dalawang avocado kada linggo ay 21 percent mas iwas sa sakit sa puso.
Mabuting pamalit ang avocado sa mayonnaise sa sandwich, o pambawas ng karne sa burrito. Mas malusog ang mga mahilig sa avocado, ani Dr. Hu.
Dahil mataas sa fibers ang avocado, nakakalinis ito ng bituka at colon, ani Dr. Klingbeil. Dapat kumonsumo araw-araw ng 21-38 grams ng fiber. Sa isang avocado, ten grams agad.
Malusog din ang ekonomiya ng Mexico, Peru at Kenya dahil sa avocado. Yumayabong ang puno sa bundok 1,500-2,100 metro ang taas sa dagat. Ang farmgate price nila ay 8¢ (P4.80) lang isang piraso. Pero ang bentahan sa supermarkets sa England ay $1-$2 (P60-P120). Pinaka-matakaw sa avocado ang America at Europe, lalo na ang Germany at Poland.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).