Sa ngayon, tatlo na ang impeachment complaint na isinampa sa Mababang Kapulungan laban kay VP Sara Duterte, kahit nanawagan na si Presidente Bongbong Marcos sa mga representante na huwag nang ituloy ito.
Medyo gahol na sa panahon dahil matatapos na ang taon at ang 2025 ay election season na at magiging abala ang mga mambabatas sa pangangampanya. Pero kung nais ituloy ang impeachment ay puwede naman.
Ang kaso, sa Senado ay alam nating maraming sympathizers ang mga Duterte.
Sa proseso ng impeachment, ang Mababang Kapulungan ang magsisilbing prosecutor samantalang ang Senado ang hukumang maghuhusga kung nagkasala si Sara o hindi.
Sa panahong ito ng halalan, marami ang magdadalawang loob kung hahatulang nagkasala si Sara dahil posibleng mawalan sila ng boto mula sa kampo ng mga Duterte. Posible iyan dahil ang impeachment ay isang political exercise.
Batid ni Marcos ang ganyang posibilidad kaya ayaw niyang ituloy ang impeachment. Kasi kapag napawalang sala si Sara, babaliktad ang sitwasyon at si Marcos ang lilitaw na kontrabida.
Posibleng magkaroon ng people’s power revolution laban sa kanya o siya naman ang kasuhan ng impeachment.
Peligroso ang sitwasyon ni Marcos kaya para sa akin, huwag na lang sana matuloy ang impeachment kay Sara.